All systems go na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagbibigay ng traffic at emergency assistance sa taunang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Enero a-9.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, 350 personnel ang ide-deploy nila magmula pa lamang bukas, January 6 para sa prusisyon ng mga replica ng Itim na Nazareno sa Lunes, January 7 at ang traditional na “Pahalik” sa imahe ng Nazareno sa Quirino Grandstand sa January 8.
Sa mismong araw ng pahalik 850 personnel ang ipapakalat sa vicinity ng Grandstand, Quiapo Church at sa mismong ruta ng andas.
Magpapakalat din ng MMDA contingent para umagapay sa Manila Local Government Unit.
Kabilang dito ang Western Traffic Enforcement Division na nakatoka sa daloy ng trapiko, Sidewalk Clearing Group para sa crowd control sa “Pahalik.” Andun din ang Metro Parkway Clearing Group na naatasan sa road clearing, mayroon ding mga street sweepers na nasa hulihang bahagi ng prusisyon at Emergency and Medical Assistance Group.
Naka-standby din ang ilang ferry boats ng MMDA sa Pasig River partikular sa Jones Bridge para sa mahuhulog o magpapatihulog na deboto.
Sa tantya ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Council nasa 13 to 15 milyong indibidwal ang sasama sa prusisyon ng Itim na Nazareno.