Bumuo ng task force ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maibsan ang trapiko mula Cubao, Quezon City hanggang Makati City, ayon sa isang opisyales ng ahensya.
Sa radio interview ni MMDA Edsa Traffic Manager Col. Bong Nebrija, ginawa ang task force “CubMa” or “Cubao-Makati” matapos ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magiging limang minuto ang biyaheng Cubao-Makati pagdating ng Disyembre.
Dagdag pa niya, “recently, tinayo na po natin yung task force CubMa ahead of the President’s pronouncement.”
Kasama rin sa tutulong upang mapabilis ang daloy ng trapiko ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpapakilala ng iba’t-ibang “engineering interventions”, Highway Patrol Group (HPG), Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), Department of Transportation (DOTr), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“Now we have a goal: kung attainable ‘yan (five minutes) o hindi. We already see the light at the end of the tunnel. Nandyan na ‘yung goal ng Presidente”, pahayag pa ni Nebrija.
Payo ni Nebrija sa publiko malaking bagay ang disiplina sa sarili at pagmamaneho at dapat maging bahagi din sila ng pagbabago.
Kadalasan inaabot ng mahigit isang oras ang mga motorista at pasaherong bumabagtas sa nasabing ruta.