Manila, Philippines – Pinangunahan ni MMDA General Manager Danilo Lim ang clearing operations sa EDSA-Baclaran kaninang umaga.
Ayon kay GM Lim, kahit ilang beses na nilang nilinis ang nasabing lugar tuloy pa rin sa pagsuway ang mga vendors kung saan wala na halos madaanan ang mga tao dahil sa nakakalat nilang mga paninda.
Pero may ilan namang mga vendors ang kusang nagtanggal ng kanilang paninda nang makita ang mga tauhan ng MMDA.
Sinabi pa ni Lim na kahit hindi man bente kwatro oras nakaposte ang mga tauhan ng MMDA sa Baclaran dahil sa kakulangan sa manpower, bibisitahin pa rin nila ng madalas ang lugar at hindi magsasawang magkasa ng clearing operations.
Nilagyan din ng pintura ang kalsada bilang marka kung hanggang saan lamang maaaring magtinda ang mga vendors.
Kasunod nito, pupulungin din ng MMDA ang pamahalaang lungsod ng Parañaque upang masolusyunan ang matagal ng problema sa illegal vendors sa nasabing lugar.