Sinisiguro ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na gumagawa sila ng hakbang para sa kapakanan ng kanilang mga tauhan.
Ito’y matapos na manawagan ang aktres na si Bella Padilla nang makita ang kalagayan ng mga tauhan ng MMDA na nasa likuran ng truck sa kalagitnaan ng init ng panahon at walang mga safety measures.
Sa twitter post ng aktres, hiniling din nito na alagaan sana ng mmda ang kalusugan ng kanilang mga trabahador kung saan pabor naman dito si MMDA Traffic Head Bong Nebrija.
Ayon kay Nebrija, mas importante daw ang kaligtasan ng bawat isa kaya’t kaniyang ipapaala sa mga supervisors ng bawat departamento na huwag ilagay sa alanganin o delikadong sitwasyon ang kanilang mga tauhan.
Bukod dito, ina-upgrade na din nila ang kanilang mga heavy equipment para hindi mahirapan sa trabaho ang kanilang mga tauhan kabilang na din dito ang transportasyon sa area na kanilang hinahawakan.