MMDA ipinapaubaya na sa DPWH kung aaprubahan ang panukalang road diet

Manila, Philippines – Dahil sa ilang pagbatikos hinggil sa mungkahi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa panukalang “road diet” o pagpapasikip ng lanes sa EDSA para makapagdagdag pa ng isang lane para mas maraming motorista ang makadaan sa naturang kalsada.

Ipinapaubaya na lamang ng MMDA sa Department of Public Works & Highways (DPWH) kung itutuloy o hindi ang nasabing panukala.

Ayon kay MMDA Chief Traffic Inspector Bong Nebrija, ito ang nakikita nilang solusyon upang kahit papaano ay gumaan ang daloy ng trapiko.


Paliwanag nito ibinase lamang nila ang panukala sa pag-aaral ng World Resources Institute sa Tokyo, Japan, na nagsasabing ang mga kalsadang may speed limit na 60 kilometro kada oras (kph) gaya ng EDSA ay dapat may lawak na 2.8 metro, kung saan sa ngayon ay nasa 3.4 metro ang lawak ng mga lane sa EDSA.

Sinabi pa ni Nebrija na sakaling maaprubahan, mula lima, magiging anim na ang bilang ng lane sa kada direksiyon sa EDSA, na maaaring daanan ng 6,000 pang sasakyan.

Giit pa nito kapag naaprubahan ang DPWH na ang siyang bahalang maglagay ng mga bagong linya sa kalsada.

Pero sa ngayon, disiplina ayon kay Nebrija ang tanging solusyon upang lumuwag at maging maayos ang daloy ng mga sasakyan hindi lamang sa EDSA kundi sa lahat ng kalsada.

Facebook Comments