MMDA, magde-deploy ng mahigit 1,000 personnel para sa SONA ni Pangulong Duterte

Mahigit 1,000 tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ide-deploy sa mga pangunahing lansangan sa Quezon City para mangasiwa sa daloy ng trapiko kasabay ng ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte.

Ayon kay MMDA Chairman Danny Lim, bubuuin ito ng traffic enforcers, road emergency group personnel, motorcycle patrol units at sidewalk clearing operations group.

Aniya, nakikipag-ugnayan na rin sila sa Presidential Security Group (PSG), Quezon City Police District (QCPD) at Department of Public Order and Safety para sa mapayapa at maayos na SONA.


Nagtalaga rin ang ahensiya ng mga alternatibong daan sakaling bumigat ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue at sa paligid ng Batasang Pambansa complex.

Ang mga nasa Quezon Memorial Circle at patungong Fairview mula Elliptical Road ay maaaring dumaan sa North Avenue, Mindanao Ave., Quirino Highway, Commonwealth Ave, patungo sa kanilang destinasyon.

Ang mga nasa Fairview na papuntang Quezon Memorial Circle mula Elliptical Roa ay maaaring dumaan sa Commonwealth Avenue, Quirino Highway, Mindanao Avenue, North Avenue patungo sa destinasyon.

Magtatalaga rin ng zipper lanes para sa counterflow traffic sa ilang bahagi ng Commonwealth Avenue, Quezon Memorial Circle, UP Techno Hub at Tandang Sora para sa mga sasakyan na gagamit ng northbound lane.

Facebook Comments