MMDA, magpapatupad ng adjusted hours

Kinumpirma ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpapatupad sila ng adjusted hours ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.

Ayon kay MMDA acting Chairman Atty. Romando Artes, sa ngayon nasa 400,000 na ang volume ng mga sasakyan kung saan inaasahan nilang madadagdagan pa ang bilang ng mga sasakyan na dadaan sa EDSA kaya’t gumagawa sila ng kaukulang paraan upang maresolba ang problema sa trapiko.

Paliwanag pa ni Atty. Artes, maaaring mag-operate ang mga mall mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi, exempted dito ang mga groceries at restaurant.


Magsisimula ang adjustment simula November 14 hanggang January 6 na pwedeng magbago depende sa sitwasyon ng trapiko.

Saklaw ng kautusan ang lahat ng mga mall sa National Capital Region (NCR).

Sa usapin naman ng pag-uwi ng kanilang mga empleyado, nagpasaklolo ang isa sa mga mall managers sa MMDA kung maaaring matulungan ang kanilang mga kawani sa masasakyan na tiniyak naman ni Artes na ipapaabot niya ito sa Department of Transportation (DOTr) .

Facebook Comments