Kinumpirma ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsasampa sila ng kasong physical injury at direct assault to person in authority ngayong araw sa Pasay City Prosecutors’ Office para sa mga nambugbog sa kanilang tauhan.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, dalawa sa mga nambugbog ang nakilala na habang apat naman ang patuloy na hinahanap kung saan nagsasagawa lang clearing operations ang kanilang mga tauhan dahil pinagbabawal na e-trike sa kahabaan ng EDSA nakakasagabal sa trapiko.
Na-impound umano ang mga e-trike nang magalit ang mga may-ari nito dahilan para magkainitan.
Base sa viral video, makikita na pinagtulungang bugbugin ang isa nilang tauhan na si Jose Zabala na isang retiradong sundalo.
Sa kabuuan, sinabi ni Artes na limang tauhan nila ang nasaktan kasama si Zabala na team leader sa operasyon kung saan pawang dumadaing naman ng sakit ng katawan ang kanyang kasamahan matapos kuyugin.
Batay sa kanilang salaysay, wala naman silang ginagawang masama at nagpapatupad lang sila ng batas.
Sa ngayon, nakausap na ng MMDA ang Pasay Police hinggil sa insidente at magsasagawa sila ng follow up operations.
Aaraw-arawin na rin nila ang operation sa lungsod ng Pasay at magsasama na sila ng mga pulis upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.