Hinihikayat ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na iwasang magtapon ng mga basura sa mga ilog, creek at iba pang daluyan ng tubig patungo sa Manila Bay.
Sa isinagawang clean-up drive ng MMDA sa Tripa de Galina sa may bahagi ng Arellano St., Vito Cruz sa Maynila, pinaalalahanan ni Engr. Alexander Mohammad, na district engineer ng MMDA Flood Control na tumulong na lang sana ang publiko sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig.
Nabatid kasi na napuna ng opisyal na ginagamit na lamang bagsakan ng illegal water waste ng mga establishment at mga residente ang drainage system na para lamang sa tubig baha.
Partikular na napansin ng MMDA ang isang binuksang drainage hole sa Arellano Street kung saan nakita ang tila namumuong mantika na nagsisilbing bara sa labasan ng tubig patungo sa Manila Bay.
Iginiit pa ng opisyal na kailangang maging responsable ang bawat mamamayan sa pagtatapon ng mga basura lalo na sa Metro Manila upang mapanatili ang kalinisan ng Manila Bay.
Kasama sa aktibidad ang pagsagawa ng 5-in-1 clean-up kabilang dito ang pagtanggal ng putik sa ilog, mga nakalutang na basura, declogging ng mga drainage at pag-aayos ng mga nagkabuhol-buhol at nakalaylay na kable ng mga communication company.