Umaabot sa 32 sasakayan ang natikitan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit sa ikinasang clearing operations sa Maynila.
Isa-isang natikitan ang mga may-ari ng iba’t ibang mga sasakyan na pawang mga kotse, motorsiklo, at e-trike.
Habang ang iba sa kanila ay nahatak gayundin ang mga kariton, lamesa at iba pang nakahambalang sa daanan ng sasakyan at tao.
Kinumpiska ng MMDA ang mga ito matapos na sila ay lumabag sa ordinansa, na pagbabawal sa pagparada at pagtitinda sa mga kalsada at bangketa, kaya naman aabot sa 12 tow truck ang kanilang bitbit na halos mapuno ito sa dami ng na-tow.
Unang sinuyod ang bahagi ng Quezon Boulevard Services Road, Nicanor Reyes Street, P. Campa, Delos Reyes, Tolentino at P. Noval Street.
Mahigit sa 20 mga Barangay ang nakatakdang ikutan ngayong araw ng MMDA sa bahagi ng District 4 at District 3 sa Maynila.
Sa kalagitnaan ng operasyon sa P. Campa Street ay nagkaroon pa ng habulan sa isang motorcycle rider kung saan nakorner din ito at nahaharap sa patong-tong na kaso.
Nabatid na sa kabila ng panawagan ng isang kongresista na buwagin na ang MMDA dahil sagabal daw ang kanilang operasyon, tuloy-tuloy pa rin ang trabaho ng ahensiya para pagsilbihan ang publiko.