Itinanggi ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na naglabas sila ng polisiya hinggil sa pagbebenta mga stickers para makapag-biyahe ang mga colorum na van sa Maynila sa kasagsagan ng provincial bus ban.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, huwag daw maniwala ang mga operator at driver ng mga van partikular sa Sta. Rosa, Laguna sa mga sticker na nabibili sa halos isang daang libong piso.
Nabatid kasi na ibinibenta ang mga sticker sa mga terminal upang hindi na daw hulihin sakaling pumasok ng Metro Manila ang mga van kung saan may kasiguraduhan din ng slot kapag nabuksan na ang linya at prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ang nasabing sticker ay may nakalagay na logo ng Department of Transportation (DOTr), mayroong pirma at may nakasulat na “dry run”.
Nanawagan naman ang MMDA na agad na isumbong sa kanilang tanggapan ang ganitong uri ng panloloko lalo na at pansamantala muna nilang itinigil ang dry run ng provincial bus ban sa EDSA.