Pinaghahandaan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga miting de avance ng mga kandidato na pawang gaganapin sa Metro Manila ngayong weekend.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, inaasahan nila na tig-1 milyon ang dadalo sa mga miting de avance.
Aniya, ang mga Local Government Unit (LGU) ang responsable sa traffic management ng mga miting de avance at aayuda lamang ang MMDA na magde-deploy ng mga enforcer para sa traffic management.
Pinagbawalan na rin aniya nilang mag-leave o umabsent ang mga tauhan ng MMDA para madaling makaresponde sa mga LGU kung kakailanganin.
Pinapayuhan din ng MMDA ang mga motorista na mag-check ng abiso ng mga lokal na pamahalaan kung lalabas ng bahay o iwasan ang mga lugar na gaganapan ng mga miting de avance.
Sa Mayo 7 magtatapos ang higit 100 araw ng pangangampanya ng lahat ng kandidato.
Paalala naman ng MMDA na sa Mayo 9 ay suspendido ang number coding.