Naglatag ng panuntunan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa oras na payagan nang isailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Metro Manila.
Ito ay matapos lumabas na mayorya ng mga alkalde sa Metro Manila Council (MMC) ang pumabor na isailalim sa MGCQ ang Metro Manila sa gitna ng epekto ng COVID-19.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, unang dapat isaalang-alang ay ang pagkakaisa sa mga ipinatutupad na regulasyon tulad ng curfew at pagpayag sa mga establisyementong magbubukas.
Habang dapat din aniyang ikonsidera ang mga bagong polisiyang ipatutupad na nakadepende sa ibang lungsod na gagawin din ito.
Matatandaang sa 17 mga alkalde sa Metro Manila, 9 ang pumabor na ibaba na sa MGCQ mula sa GCQ ang Metro Manila habang walo ang tutol.