Itinaas na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa blue alert status ang kanilang paghahanda kasunod ng pagputok ng Bulkang Taal.
Sa isinagawang briefing ng MMDA kasama ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Office of Civil Defense, National Capital Regional Police Office (NCRPO), Department of Health (DOH) at mga LGUs, sinabi ni MMDA Disaster Risk Reduction Management Focal Person Michael Salalima na inalerto na nila ang disaster and emergency response units sa buong Metro Manila sa posibleng pag-dispatch sa kanila sakaling lumala ang epekto ng ashfall sa NCR.
Nauna dito ay nagpadala na ang MMDA sa Talisay, Batangas ng kanilang disaster at emergency response para tumulong sa paglikas sa mga kababayang apektado ng pagputok ng bulkan.
Tatlong military trucks, 2 firetrucks, 3 ambulances, at 30 tauhan ang ipinadala ng MMDA sa Batangas para tumulong sa mass transport at evacuation ng mga residente.
Nagpadala na rin ng 2 generators, mga protective equipment, at potable water purifiers ang ahensya.
Samantala, pinakalma naman ng PHIVOLCS ang publiko na walang kinalaman sa pagputok ng Bulkang Taal ang maaaring paggalaw ng West Valley Vault o iyong pinangangambahang THE BIG ONE.
Ayon kay PHIVOLCS Chief Science Research Specialist at disaster preparedness division Dr. Ma. Mylene Villegas, hindi pa matiyak ng PHIVOLCS ang mga susunod na aktibidad ng Bulkang Taal dahil sa paiba-ibang behavior nito.
Nagpaalala naman ang DOH sa publiko na kung may mga respiratory diseases tulad ng asthma, bronchitis, emphysema at iba pa ay mabuting huwag munang lumabas ng bahay dahil sa delikadong epekto ng ashfall sa kalusugan ng mga tao.
Humiling na rin ng mga dagdag na regular masks at N95 ang ahensya na ipapamahagi.