Hinihikayat ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga kumpanya at negosyo kung maaaring ikonsidera ang Work from Home arrangement para sa kanilang mga manggagawa para sa susunod na dalawang linggo para mapigilan ang pagkalat ng Delta variant.
Ayon kay MMDA Chairperson Benhur Abalos, mahalagang nasa bahay muna ang mga tao para makontrol ang pandemya.
Sa pagtaya aniya ng mga health experts, ang daily new cases ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) ay posibleng sumampa sa 11,000 sa katapusan ng Setyembre.
Aniya, ang mga trabaho at paperworks na maaari namang gawin sa bahay ay dapat munang ikonsidera.
Sa pamamagitan nito, makakaiwas na sa sakit at mapoprotektahan pa ang pamilya.
Una nang sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na maaari pa ring ipatupad ng employer ang WFH arrangement para sa kanilang mga empleyado.