Kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes na kabilang siya sa mga pabor sa petisyon na itaas na ang pasahe sa Light Rail Transit (LRT).
Ito’y sa harap na rin ng napipintong public hearing sa petisyon na dagdagan ng higit dalawampiso ang board fare ng LRT at karagdagang 21 sentimo sa kada susunod na kilometro.
Sa panayam ng media kay Artes sa pagbubukas ng Nomar Park 2 sa Barangay San Bartolome sa Quezon City, inihayag nito na napapanahon na ang taas pasahe dahil napakamahal na ng gastos sa maintenance.
Aniya, para naman sa ikagaganda pa lalo ng serbisyo ng LRT ang taas pasahe
Isa pa aniya, matagal na panahon na ng huling magtaas ng pasahe sa LRT at matagal na itong subsidized o ginagastusaan ng gobyerno.
Ang LRTA board ay binubuo ng siyam na mga miyembro at kabilang dito ang MMDA.
Nauna na ring sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz na kabilang siya sa mga miyembro ng board na pabor sa taas pasahe sa LRT.