MMDA, nilinaw na hindi pa titiketan ang mga motoristang dumadaan sa bike lane

Courtesy: Greenpeace

Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na hindi pa muna titiketan ang mga motoristang dumadaan sa bike lane.

Una rito ay nagbabala ang MMDA na kanila nang huhulihin ang mga motorcycle rider na dadaan sa bicycle lane sa kahabaan ng EDSA simula kahapon Lunes, Agosto 21.

Sa isang advisory na naka-post sa Facebook page ng MMDA, nilinaw ng ahensiya na ang bicycle lane sa EDSA ay para lamang sa mga nagbibisekleta, at hindi sa mga motorcycle rider.


Base umano sa monitoring ng MMDA sa EDSA, malaking bilang ng mga motorcycle rider ang dumadaan sa bicycle lane, dahil dito ay hindi umano magamit ng mga biker ang linya ng EDSA na itinalaga sana para sa kanila.

Mamayang alas-9 ng umaga magsasagawa ng press conference ang MMDA hinggil sa pagpapalabas ng mga alituntunin sa pagdaan ng bike lane kung saan una nang nagbabala ang ahensiya na papatawan ng multa na Php1,000 ang mga pasaway na motorcycle rider kapag nagpatuloy dumaan sa bicycle lane.

Facebook Comments