Muling binalikan ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Rotonda EDSA, Taft avenue sa Pasay City, papunta sa area ng Baclaran sa Parañaque.
Magkasasama sa operasyon ang mga tauhan ng Metro Parkways Clearing Group at Sidewalk Clearing Operations Group ng MMDA at mga tauhan ng PNP.
Sinuyod ng mga ito ang kalsada sa ilalim ng LRT Baclaran station at pinagbabaklas ang mga stall na ikinabit ng mga tindero bago pa man sumapit ang Pasko.
Kung kahapon, mga kariton lamang ang kinumpiska pero ngayon, talagang binaklas na ng mga tauhan ng MMDA ang mga stalls at pinagkukumpiska ang mga paninda.
Kung dati rin dapat hindi lumampas ang mga vendors sa linyang iginuhit ng MMDA pero ngayon, dapat kita at madadaanan na ang bangketa.
Katwiran ng MMDA kung pasaway ang mga vendors, hindi sila magsasawang magkasa ng operasyon hangga’t tumino at sumunod sa batas ang mga ito.