MMDA, pinaiimbestigahan na ang insidente ng pagdaan ng convoy ni Sen. Revilla sa EDSA Bus Way

Pinaiimbestigahan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Task Force Special Operations Chief Bong Nebrija ang napaulat na pagdaan ng convoy ni Sen. Bong Revilla sa EDSA Bus Way sa Northbound Lane sa Mandaluyong City.

Ito’y matapos itanggi ng senador na nakasakay siya sa convoy saka iginiit na hindi siya dumadaan sa EDSA kung hindi sa Skyway.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Nebrija na ipapatawag niya ang traffic enforcer na nagreport sa kaniya ng nasabing insidente.


Dagdag pa ng opisyal, nagdesisyon sila na palagpasin ang convoy matapos sabihin na sakay nga ng isa sa mga sasakyan si Sen. Revilla.

Aniya, diskresyon na nila o ng mga tauhan ng MMDA na palagpasin ang ilang opisyal lalo na kung ito ay may mahalaga o importanteng pupuntahan bagama’t wala ito sa probisyon.

Iginiit ni Nebrija na isa na nga rito ang pagpapaubaya sa convoy ng senador lalo na’t mahalaga ang budget hearing ma tinatalakay sa Kongreso.

Facebook Comments