Inihayag ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maglalagay sila ng motorcycle lane sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila gaya ng EDSA at Commonwealth Avenue ang naging sentro ng talakayan sa isinasagawang dalawang araw na motorcyle consultation workshop ng MMDA.
Layon nitong matugunan ang dumadaming bilang ng aksidente sa mga motorisklo sa nasabing mga lugar.
Sinabi ni MMDA Chairman Engr. Carlo Dimayuga III, nararapat lang na pag-aralan ang sitwasyon ng traffic, mga polisiya, mga programa, at proyekto sa Metro Manila ngayong maluwag na ang restriction at humuhupa na ang kaso ng COVID-19.
Paliwanag ni Dimayuga, sa bilang na 2.9 milyon na registered vehicles sa National Capital Region, nasa 1.4 milyon dito ay mga motorsiklo.
Dagdag pa ni Dimayuga na uunahin ang paglalagay ng motorcycle lane sa Commonwealth Avenue sa QC, dahil mas mahirap umano itong maisakatuparan sa EDSA dahil sa U-turn slots at maliit ang kalsada.
Magsasagawa muna ng simulation at target na maipatupad ito sa Nobyembre.
Umaasa naman ang MMDA na mapapabuti nito ang daloy ng mga sasakyan sa Commonwealth Avenue at EDSA ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.