Sinuportahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi muna ipapatupad ang Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa buong bansa hangga’t wala pang bakuna kontra COVID-19.
Batay sa pahayag na pinadala ng MMDA, sinabi ni MMDA Chairman Atty. Benhur Abalos na palagi naman silang nagtitiwala sa wisdom at judgement ng Presidente.
Giit niya na kaisa sila ng Pangulo sa paglaban kontra COVID-19 pandemic.
Ayon kay Abalos, anuman ang mga maging hakbang ng Pangulo ay suportado ito ng Metro Manila mayors partikular na sa paglaban kontra COVID-19.
Matatandaan, nagkasundo ang Metro Manila mayors na ilagay sa MGCQ ang buong National Capital Region (NCR) sa susunod na buwan upang unti-unting buksan ang ekonomiya sa rehiyon.