Isasara na ang lahat ng U-turns sa kahabaan ng EDSA hanggang bago matapos ang taon.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia na uunti-untiin nila ang pagsasara ng lahat ng U-turn slots sa EDSA at mag aabiso sa mga motorista upang hindi manibago sa bagong patakaran sa EDSA.
Ayon kay Garcia, layon nitong hindi magkabuhol-buhol ang traffic lalo pa’t nasa gitna na ngayon ang bus lane.
Base kasi sa kanilang pag-aaral, mas mabilis ang biyahe kapag pinatay ang lahat ng U-turn sa EDSA dahil maliban sa dere-derecho ang biyahe ay wala pang pag-eembudo ng mga sasakyan.
Unang isasara na U-turn sa susunod na linggo ay sa may bahagi ng EDSA Northbound malapit sa SM North at Trinoma.
Sa mga apektadong motorista, maaaring mag U-turn sa Quezon City Academy o QC Service Road epektibo sa darating na September 28, 2020.
Ngayong Linggo, tatadtarin ng abiso ng MMDA ang mga motorista upang sa sa susunod na linggo ay hindi na manibago pa ang mga motorista at tsuper.