MMDA, tiniyak na mapapabilis na ang pagbiyahe ng mga mananakay sa pamamagitan ng EDSA carousel

Tiniyak ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mapapadali na ang pagbiyahe ng mga pasahero kapag tuluyan ng maipatutupad ang proyektong EDSA carousel project.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, eklusibo lamang para sa mga bus ang innermost lane ng EDSA para mabawasan ang matinding trapiko at pagbiyahe mula Hilaga papuntang Timogang bahagi ng EDSA at vice versa.

Umabot lang kasi aniya sa 50 minuto ang biyahe mula Monumento papuntang tanggapan ng MMDA sa Guadalupe nang magsagawa sila ng pag-iinspeksyon kahapon, kasama na rito ang kaunting pagtigil sa Main Avenue at Santolan.


Pinag-aaralan na rin ng ahensiya ng Traffic Engineering Center (TEC) ang pagsasara sa maraming U-turn slots sa lugar na nakalaan lamang sa mga bus lane para mapabilis ang pagbiyahe ng mga pasahero.

Inatasan na rin nito ang TEC na pag-aralan ang magiging epekto ng pagsasara ng U-turn slots at hanapan agad ng tamang solusyon.

Giit ni Lim na prayoridad ng kanilang ahensiya na mapagaan ang pagbiyahe ng mga commuter at pinag-aaralan narin ng MMDA ang mga mungkahi ng mga mambabatas upang mapabuti ang sistema sa pagbiyahe ng mga bus at ng imprastraktura.

Facebook Comments