Nakikipag-ugnayan na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga paaralan bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng SY. 2022-2023 sa Agosto.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MMDA Director Baltazar Melgar na tumutulong sila ngayon sa ilang hiling ng mga school principals para sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa harap na rin ng pagpapalawig pa ng face-to-face classes.
Kabilang na aniya rito ang pagkakaroon ng mga pedestrian lane markings para sa ligtas na pagtawid ng mga estudyante.
Humiling din aniya ang mga paaralan na magkaroon ng misting sa loob ng mga eskwelahan.
Dagdag pa ng opisyal na nakatutok din sila sa ngayon sa pagsasagawa ng sideroad clearing operation, at titiyakin na magiging maluwag ang mga alternatibong ruta, para sa pagpapagaan ng trapiko sa mga pangunahing kalsada, lalo’t hindi naman nadadagdagan ang mga kalsada sa Metro Manila.