Muling nagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong araw kung saan tinalakay ang mga bago at iba’t ibang polisiya na kanilang ipatutupad ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Kasunod niyan, inanunsyo ni MMDA acting Chairman Atty. Romando Artes na simula ngayon, Nobyembre 17 ay hindi na muna nila huhulihin ang mga minor traffic violator o iyong mga hindi naman banta sa kaligtasan sa lansangan at hindi rin nagdudulot ng mabigat na daloy ng trapiko.
Paliwanag ni Artes, kadalasan kasing nagdudulot pa ng abala sa daloy ng trapiko ang mga hulihan sa kalsada.
Maliban dito, sinabi rin ni Artes na palalawigin na rin ang duty hours ng kanilang mga tauhan hanggang alas-12:00 ng hatinggabi mula sa dating alas-10:00 ng gabi lalo’t binago na rin ang operating hours ng mga mall partikular na iyong nasa kahabaan ng EDSA.
Pinagbabawalan na rin ni Artes ang pagkukumpulan, paggamit ng cellphone gayundin ang pagtatago at pag-aabang ng mga traffic violator.
Sa huli, sinabi ni Artes na kanila na ring tututukan ang mga mall at transportation terminals sa Metro Manila ngayong panahon ng Kapaskuhan.