MOA signing sa pagitan ng Malabon LGU at DHSUD, isinagawa kasabay ng first 100 days report ni Mayor Sandoval

Pinirmahan na ni Mayor Jeannie Sandoval ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan at Department of Human Settlement and Urban Devevelopment (DHSUD) para masimulan na ang pagtatayo ng mga bahay para sa mga mahihirap na residente ng lungsod ng Malabon.

Ito’y kasabay ng pagbibigay ulat ni Mayor Sandoval sa kaniyang first 100 days bilang alkalde kung saan namahagi rin ang Malabon Local Government Unit (LGU) ng 42 Certificates of Land Allocation o CELA sa mga residente sa Labahita Street sa Brgy. Longos at 37 units ng pabahay sa St. Gregory Homes, Panghulo.

Mayroon din 1, 300 na housing units na ipamamahagi sa susunod na mga araw ang Malabon LGU sa informal settler families na naninirahan sa gilid ng estero.


Iniulat pa ni Mayor Sandoval na nitong buwan ng Setyembre ay tumaas ng 8.7% total revenue collection ng lungsod dahil sa mas maayos na business permit, licensing at real property tax collections kasabay ng pagsugpo sa korapsyon.

Maging ang problema sa baha at kakulangan sa pagkain ay binigyan solusyon ng alkalde kasabay na rin ng pagtutok sa kalusugan ng bawat residente sa lungsod.

Maging ang pagsasa-ayos at pagpapaganda sa ilang bahagi ng Malabon ay naisagawa na rin ng administrasyon ni Mayor Sandoval.

 

Mabilisan ding ipinamahagi ang mga benepisyo ng senior citizens at pagkakaroon ng mga oportunidad sa lahat ng residente kabilang na ang Persons with Disabilities (PWD).

Facebook Comments