Taliwas sa inaasahan ng maraming telco industry stakeholders, ang Mobile Number Portability (MNP) Act na ipinatupad noong Setyembre 30, 2021 ay bigong maging isang ‘game changer’, ayon sa isang mambabatas.
Sa pagpapatupad ng MNP ay inaasahang darami ang subscribers ng DITO Telecommunity dahil pinapayagan nitong lumipat ang mga customer sa ibang network na hindi binabago ang kanilang number.
Gayunman, sinabi ni Telecommunications Connectivity Inc. (TCI) head Melanie Manuel, na dating empleyado ng PLDT, na mahigit 1,000 lamang mula sa 100 million users “ang matagumpay na nakalipat sa kanilang bagong networks” at hindi nagbigay ng pagtaya sa kung ilan pa ang inaasahang lilipat.
Naniniwala si House Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na ang tila pagkabigo ng MNP na matukso at mahikayat ang mga user na lumipat ng network ay dahil sa mga sumusunod na salik:
Naging ‘irrelevant’ na ang MNP sa huli nang pagpapatupad nito sa Pilipinas sa harap ng paglipat sa data usage kung saan marami nang voice at applications tulad ng Messenger, WhatsApp, Viber Telegram, Line, at IMO.
Maraming Pilipino ang may dual SIMs na nais nilang panatilihin para makaiwas sa extra charges sa pagtawag sa ibang network (bago ang MNP) at maka-avail ng promos na hindi iniaalok ng isang network.
Karamihan ng customers sa Pilipinas ay prepaid. Ang prepaid SIMs ay abot-kaya ang halaga at madaling palitan.
Ang mga Pinoy ay nagiging ‘loyal’ sa kanilang brand kapag nasiyahan sila dito. Nananatili sila sa kanilang brand tulad sa pananatili sa kanilang political beliefs.
Sinabi rin ni Castro na posibleng hindi pa gaanong kilala ang Dito at ang iba ay walang kumpiyansa na maibibigay nito ang mga serbisyo ng ibang networks kaya kakaunti lamang ang lumipat dito.
“Compared sa nakasanayan na nilang dalawang network, baka mas reliable ang mga ito kaysa sa third network,” sabi ni Castro.
Naniniwala rin ang mambabatas na nakaapekto rin sa desisyon ng mga subscriber ang kontrobersiyang kinasasangkutan nito tulad ng usapin sa pambansang seguridad at ang samu’t saring reklamong ibinabato sa third telco.