Nasa tatlong lugar na sa lungsod ng Parañaque ang inikutan ng mobile vaccination program na ikinasa ng lokal na pamahalaan.
Mismong ang mga miyembro ng mobile vaccination program team ang siyang nagtutungo sa mga barangay at subdivision na nakapagtala ng may mataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ang pag-ikot sa lungsod ng grupo ng mobile vaccination program ay kanilang isinasagawa upang mabakunahan ang mas marami pang residente sa ilalim ng programa ng lungsod na “Bakunado, Protektadong Parañaqueno kontra COVID-19”.
Sinabi ni Olivarez na ang nasabing grupo na pinangunahan ni Dr. Jefferson Pagsisihan, medical director ng Ospital ng Parañaque 1 at 2 ay nakabisita na sa tatlong lugar o barangay sa lungsod para mabakunahan ang mga senior citizen at adult with comorbidities na hindi na kayang magtungo pa sa mga vaccination site.
Ang tatlong lugar na napuntahan para magsagawa ng pagbabakuna ay ang Tahanan Village sa Barangay BF Homes, Don Bosco Annex at Greenheights Subdivision.
Ang naturang programa ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng proteksyon sa mga residente laban sa COVID-19 partikular ang mga napapabilang sa mahihinang sektor.