Pinamamadali ni Senator Jinggoy Estrada ang modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) upang agad na makatugon sa mga maritime emergencies o mga trahedya sa karagatan.
Napuna ng senador ang mga kakulangan sa pagresponde sa mga insidente sa karagatan tulad na lamang ng paglubog ng oil tanker na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro, ang pagkasunog ng passenger vessel na M/V Lady Mary Joy 3 sa may Basilan at ang mga insidente pa rin ng panggigipit ng pwersa ng China sa loob ng teritoryo ng bansa.
Agad na ipinatataguyod ni Estrada ang modernisasyon ng PCG sa ilalim na rin ng inihaing Senate Bill 2016 o Philippine Coast Guard Modernization Act dahil napapanahon na para i-upgrade ang logistical support ng pinakauna at tanging humanitarian armed service ng Pilipinas.
Ipinunto pa ni Estrada na sa iniatang na responsibilidad sa PCG tulad ng maritime safety, security, search and rescue, law enforcement at environmental protection, ay hindi sapat ang pagkakaroon ng fleet na binubuo lang ng tatlong offshore patrol vessel para magampanan ang mapanganib at kritikal na tungkulin sa pagbabantay sa karagatan.
Sa panukala, inilatag ang 15 taong modernization program ng PCG na magbibigay daan para unti-unting maisakatuparan ang pag-upgrade ng mga kagamitan at maitaas ang kakayahan ng PCG na magampanan ang kanilang mandato.
Saklaw rin sa gagawing modernisasyon ang restructuring at streamlining ng mga units at opisina para gawing simple ang mga proseso, professionalization ng human resource, pagkuha at pag-upgrade ng mga basic at support facilities para sa administrative at operational services pati na ang pagbili ng pinaka modernong mga kagamitan.