Binuksan na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mas malaki at modernong Port Operations Building (POB) nito sa Port of Masbate.
Dahil dito, aabot na sa mahigit 500 pasahero ang kayang maserbisyuhan ng bagong port operatiom building mula sa dating 100.
Dagdag pa ng PPA, kargado ang bagong building ng mga modernong pasilidad tulad ng charging station, prayer room, mas pinalaking breastfeeding room at all gender na palikuran.
Kasabay din na binuksan ang bagong gawang transit shed sa pantalan na may sukat na 1000 square meters at inaasahang makadaragdag sa income generation sources ng Port Management Office.
Kaya ng bagong transit shed ang mabilisang galawan ng mga kargamento dahil automated ang access points dito.
Sa pahayag ni PPA General Manager Jay Santiago, malaking tulong at kaginhawahan ito sa mga pasahero lalo na ngayong papalapit na ang Semana Santa kung saan mas lalong dinadagsa ang Port of Masbate.
Aniya, isa lamang ang pagsasa-ayos ng Port of Masbate sa napakarami pang proyekto ng PPA na nakalatag ngayong taon na patuloy na mararamdaman ng mga pasahero.