MODUS | Babae, huli sa ilegal na pag-aalok ng trabaho sa China

Pasay City – Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City ang isang babae na ilegal na nag-aalok ng trabaho sa China.

Hinuli ang suspek na si Rowena Quiray sa opisina nito matapos tanggapin ang P510,000 na entrapment money mula sa tatlong aplikanteng domestic helper.

Ayon kay NBI Special Action Unit Chief Emeterio Dongallo, nangako si Quiray sa tatlong biktima ng trabaho sa China na may sahod na P56,000 kada buwan.


Pero ilegal pala ang trabaho dahil tourist visa lang ang kinuha ng suspek para sa mga biktima.

Nabatid din na isa sa mga napalipad ni Quiray ay nakulong ng dalawang buwan sa Shenzhen, China matapos salakayin ng mga pulis doon ang tinitirhan nitong accommodation house habang naghihintay ito ng trabaho roon.

Giit naman ni Quiray, tinulungan lang niya ang mga naghahanap ng trabaho at pinilit lang siya ng mga ito na ipasok sila sa China.

Nagpaalala naman NBI sa mga aplikante na laging tiyakin kung accredited ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga recruiter.

Nahaharap ngayon sa kasong large-scale illegal recruitment si Quiray.

Facebook Comments