Manila, Philippines – Arestado sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Task Force (STF) ang isang dayuhan matapos tangayin ang P100,000 ng isang babae.
Ayon sa biktimang si alyas “Ana,” pinangakuan siya ng kaniyang British boyfriend na nakilala niya sa dating site ng pera at kasal kahit dalawang buwan pa lang silang magkarelasyon at hindi pa nagkikita.
Pero naipit aniya sa airport ang ipinadalang box ng kaniyang boyfriend kaya nagbayad siya ng P100,000 para sa buwis at ipinadaan sa best friend nito na si Thomas Miller.
Nagtaka naman aniya siya ng sinabi ni Miller na kailangan niyang magbayad ng P2.4 million para makabili ng kemikal para gawing pera ang black money na nasa kahon.
Giit ng NBI-STF, nabiktima si Ana ng pinagsamang sindikato ng ‘I love you honey,’ ‘advance payment,’ at ‘black money’ modus.
Itinanggi naman ni Miller ang krimen at sinabing isa siyang turista mula South Africa na napag-utusan lang din umano ng boyfriend ni Ana.