MODUS | Snatcher na nagpapasali sa dance contest, timbog!

Nahuli na ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking modus ang magpanggap na nagpapasali sa dance contest pero pinagnanakawan pala ang kaniyang mga kausap.

Nadakip ang suspek na si Regie Amit sa loob ng isang mall matapos siyang mamukhaan ng security guard, na siya namang tumawag sa mga pulis.

Ayon kay QCPD Station 9 Chief Supt. Cipriano Galandia, modus ng suspek na kausapin ang kaniyang mga biktima at alukin ang mga ito na sumali sa dance contest.


Pero habang nakabaling ang atensiyon ng mga biktima ay saka niya tatangayin ang mga cellphone nito.

May ginagamit din aniyang papel si Amit na ipinantatakip niya sa cellphone ng mga biktima habang kinakausap ang mga ito.

Una nang nakunan sa CCTV si Amit na tumangay sa cellphone ng isang babae sa isang convenience store sa Barangay Marikina Heights, Marikina City.

Siya rin ang na-video-han na tumangay ng cellphone sa isang laundry shop sa Marikina City.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang nagawang krimen.

Napag-alaman din ng mga awtoridad n na may standing warrant of arrest si Amit para sa kasong theft.

Facebook Comments