Pinalilibre mula sa pagbabayad ng buwis ang mga lahat ng mga donasyong salapi at rewards na matatanggap ng mga national athletes at coaches sa bansa.
Ang hakbang na ito ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ay kasunod na rin ng pagbuhos ng financial incentives ng private sector para kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.
Sa ilalim ng House Bill 9891 o “Hidilyn Diaz Act of 2021” inaamyendahan nito ang Republic Act of 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
Isisingit ang isang bagong seksyon sa batas na kung saan ililibre sa lahat ng tax, fee at iba pang charges na ipinapataw ng mga ahensya ng gobyerno, local man o national, ang lahat ng mga rewards, bonuses, at iba pang uri ng bayad na pabor sa mga atleta at coaches na maglalaro at magwawagi sa mga international sports competition.
Nakasaad pa sa panukalang batas na ang kabiguan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na makalikha ng rules and regulations para dito ay hindi dapat makahadlang para maipatupad ang amyenda sa batas.
Hindi rin dapat maging kapalit ng pribilehiyong ito ang mga naunang tax privileges na natatanggap na ng mga atleta, coaches at maging ng mga donors.
Nakatakdang tumanggap ng P33 million cash incentives si Diaz mula sa pamahalaan at sa private sector matapos na masungkit nito ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas, bukod pa ito sa ibang reward na nag-aabang sa kanya tulad ng bahay at lupa, condominium unit, sasakyan at free flights mula sa AirAsia Philippines at Philippine Airlines.