CAUAYAN CITY – Pinaigting ng DA-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 02 (DA-BFAR RO2) ang monitoring laban sa Tilapia Lake Virus (TiLV) sa Lambak ng Cagayan upang maprotektahan ang industriya ng aquaculture sa rehiyon.
Gamit ang makabagong Insulated Isothermal PCR (iiPCR) technology, maagang natutukoy ang presensya ng TiLV sa mga isda.
Ang teknolohiyang ito ay nagbibigay ng mabilis at eksaktong resulta, mahalaga sa pagbibigay ng Health Certificates para sa ligtas na transportasyon ng mga tilapia fingerlings palabas ng rehiyon.
Ang Fisheries Integrated Laboratory ay gumagamit ng fluorescence-based iiPCR reagents, na nagpapabilis sa proseso ng pagsusuri at tumutulong na maagapan ang pagkalat ng virus.
Ang TiLV ay isang seryosong banta sa aquaculture. Nagdudulot ito ng mataas na mortality rate sa mga apektadong isda, na maaaring magdulot ng malaking pagkalugi sa produksyon, makaapekto sa ekonomiya, at maglagay sa panganib ng suplay ng pagkain.
Sa pamamagitan ng pinaigting na monitoring at teknolohiyang ito, layon ng DA-BFAR RO2 na masigurado ang kaligtasan ng industriya ng aquaculture sa rehiyon at maiwasan ang mas malawakang epekto ng nasabing virus.