
Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) na tiyaking maayos, ligtas, at matibay ang lahat ng farm-to-market road projects ng pamahalaan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nais ng pangulo na mabantayan ang bawat proyekto upang matiyak na tama ang pagkakagawa at matatapos sa tamang oras.
Dapat aniyang maramdaman ng mga magsasaka at mangingisda ang benepisyo ng mga kalsada, lalo na sa mas mabilis at mas murang pagdadala ng kanilang produkto sa pamilihan.
Iniutos din ng pangulo na agad bayaran ang mga contractor na maayos ang trabaho at sumusunod sa kontrata.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na detalye ang Malacañang tungkol sa kabuuang halagang babayaran sa mga contractor, habang patuloy ang pagbabantay sa mga nagpapatuloy na proyekto.










