Thursday, February 19, 2026

Moral ascendancy ng Senado, hindi mawawala kung susunod sa Konstitusyon

Iginiit ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na walang mawawala sa moral ascendancy ng Senado kung susunod tayo sa nasasaad sa Konstitusyon.

Kaugnay na rin ito sa kanyang posisyon na kailangan munang may katapat na court order dito sa bansa bago maipatupad ang arrest warrant laban kina Senators Bong Go at Bato dela Rosa na tinukoy ng International Criminal Court (ICC) na co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa madugong war on drugs.

Ayon kay Lacson, kung tayo mismo ay lalabag sa nasasaad sa batas ng bansa, ito ay walang patawad.

Paliwanag ng mambabatas, tayo ay tatalima lamang sa Konstitusyon at maliwanag na may “immunity from arrest” o hindi pwedeng arestuhin ang mga senador habang may sesyon.

Partikular na tinukoy ni Lacson ang Article 6 Section 11 ng 1987 Constitution na ang mga senador o myembro ng Kamara de Representantes na nahaharap sa kaso na may parusang kulong na hindi hihigit sa anim na taon ay may pribilehiyo mula sa pag-aresto habang nakasesyon ang Kongreso.

Gayunman, hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang kakaharaping parusa nina Go at Dela Rosa dahil sa Pebrero 23 hanggang 27 pa ang confirmation of charges hearing ng ICC kay dating Pangulong Duterte.

Facebook Comments