Moral ng NPA sa Region 2, Lalong Bumaba; Pwersa, Paralisado

Cauayan City, Isabela- Bumaba pa lalo ang bilang at morale ng mga rebelde na kumikilos sa Lambak ng Cagayan dahil sa pagkamatay ng kanilang pinakamataas na lider na si Ka Yuni sa naganap na engkuwentro kamakailan sa pagitan ng tropa ng 86th Infantry Battalion sa brgy San Mariano Sur, San Guillermo, Isabela.

Ito ang inihayag ni LTC Ali Alejo, Commanding Officer ng 86IB sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Bukod dito ay paralisado na rin aniya ang kanilang pwersa dahil sa magkakasunod na pagsuko ng mga dating rebelde.


Ang pagkamatay ni Rosalio V Canlubas o Ka Yuni na pinuno ng Regional Sentro de Gravidad (RSDG) ng CPP-NPA ay isang malaking kawalan sa buong hanay ng mga rebelde sa rehiyon kung kaya’t demoralisado na rin ang mga natitirang rebelde.

Dahil dito, hinihikayat ng opisyal ang mga natitira pang NPA na lisanin na ang kilusan at magbalik-loob na sa pamahalaan maging sa mga sugatang nakasagupang rebelde na mangyaring lumapit sa hanay ng kasundaluhan o kapulisan para mabigyan ng lunas at magamot agad.

Gayunman, hindi naman ani LTC Alejo nagpapakampante ang kanyang hanay kundi lalo pang pinaghahandaan ang posibleng masamang binabalak ng makakaliwang grupo.

Samantala, sinabi naman ni Maj. Jekyll Dulawan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID na ang pagkamatay ng kanilang pinakamataas na pinuno ay magandang tiyansa para sa mga nalalabi pang miyembro ng NPA para bumaba at magbalik loob na sa sa gobyerno.

Facebook Comments