Morale ng Anti-Fraud Division, mababa dahil sa hindi naaksyunang kaso ng katiwalian sa PhilHealth

Dapat na gawan ng paraan ng gobyerno na maayos ang polisiya at sistema sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ito ang pahayag ni Senador Juan Miguel Zubiri sa gitna ng mga nadiskubreng katiwalian sa ahensya.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Zubiri na talagang mababa ang morale ng Anti-Fraud Division ng PhilHealth.


Aniya, kahit napakaraming katiwalian ang nahalungkat ng Anti-Fraud Division, wala ni isa ang nakasuhan at inaksyunan ng legal department ng ahensya.

Sa pagdinig ng Senado kahapon, limang raket ng mga tiwaling opisyal sa PhilHealth ang nadiskubre kabilang ang “rebate scheme” o ang pagbibigay ng mga ospital ng kickback kapalit ng maagang pagbabayad sa kanila ng ahensya.

Gayundin ang non-existing patients scheme, “ghost patients” at overpricing ng IT.

Ayon kay Zubiri, kinakailangan lang na magkaroon din ng whistleblower mula sa panig ng mga ospital para sa mas mabigat na ebidensya nang sa gayon ay makasuhan ng plunder ang mga sangkot dito.

Pero tingin ng senador, posibleng hindi talaga alam ni PhilHealth President Ricardo Morales kung gaano kalala ang mga katiwalian sa ahensya.

Facebook Comments