Isinusulong ni Senator Lito Lapid ang pagpapatupad ng moratorium sa pagbabayad ng student loan sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency.
Sa Senate Bill No. 975 na iniakda ni Lapid, ipinagpapaliban dito ang pangongolekta ng lahat ng uri ng mga bayarin na may kaugnayan sa student loan programs sa Higher Education and Technical-Vocational Education and Training (TVET) lalo na sa panahon ng sakuna, kalamidad at iba pang emergency situation.
Tinukoy ni Lapid na marami sa mga Filipino ang nawalan ng hanap-buhay at iba pang mapagkukunan ng kita bunsod na rin ng mga kalamidad na tumama sa bansa gaya na lamang ng lindol, bagyo at pinakahuli ay ang pandemya.
Layunin ng pagpapataw ng moratorium sa mga bayarin ng mga mag-aaral na mabawasan ang pasanin ng mga magulang lalo na sa mga pagkakataong tinamaan ng kalamidad o pandemya.
Sakop ng ipatutupad na moratorium sa student loan payment ay mula sa araw na ideklara ang national at local state of calamity o emergency hanggang sa 30 araw magmula ng i-terminate ang state of calamity o emergency.
Kung sakaling lumagpas ang period na ito, ang student loans at iba pang bayarin ng mga mag-aaral ay ipagpapaliban muna ang pagbabayad hanggang sa susunod na semester.
Sakaling maging ganap na batas, retroactive rin sa mga mag-aaral na apektado ng COVID-19 pandemic ang aplikasyon para sa moratorium ng pagbabayad ng student loan at iba pang fees.