Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa na isinailalim nila sa tatlong araw na Extreme Localized Community Quarantine (ELCQ) ang Morning Breeze sa Barangay Alabang matapos magpositibo ang anim na residente nito sa COVID-19 sa ginawang targeted mass testing noong May 27, 2020.
Batay sa Executive Order No. 19 Series Of 2020 na nilagdaan ni Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi, ang pag-iral ng ELCQ sa nasabing lugar ay nagsimula ng alas 12:01 ng madaling araw ng Miyerkules at tatagal ng alas 11:59 ng gabi ng June 5, 2020.
Dahil dito magsasagawa ang Muntinlupa Philippine National Police (PNP) ng round the clock at overall security para mabantayan ang galaw ng mga residente sa Morning Breeze.
Nakalagay din sa kautusan na magbabantay ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Laguna Lake coast line sa naturang lugar.
Sa loob ng tatlong araw, gagawin naman ang mass testing sa mga residente nito na pangangasiwaan ng City Health Office (CHO) ng Muntinlupa City.
Tiniyak naman Social Service Department na mabibigyan ng mga food packs ang mga residente habang umiiral ang ELCQ.