Mosquito Borne disease na Japanese Encephalitis, karaniwang sakit na dumadapo sa mga bata

Manila, Philippines – Karaniwang sa mga bata dumadapo ang Japanese Encephalitis, isang uri ng sakit na nakukuha sa kagat ng lamok.

Isang halimbawa ayon sa Department of Health (DOH) ay ang apat na death cases na naitala mula Pampanga na ang mga edad ay naglalaro sa labing limang taong gulang pababa.

Ito ayon kay Health Undersecretary Herminigildo Valle, ay dahil kung ikukumpara sa matatanda, bukod sa mas mahina ang resistensya ng mga bata, mas madalas magpunta ang mga ito sa mga lugar na maraming lamok kaya’t mas mataas ang tyansa na makagat ang mga ito.


Dagdag pa ni Valle, habang tumatanda ang isang tao ay naka pag dedevelop sila ng natural immunity kontra dito, kaya’t lumiliit ang tyansa ng mga nakatatanda na magkakuha ng mga mosquito borne diseases.

Gayunpaman ayon kay Valle, hindi pa rin dapat magpakakampante ang mga matatanda dahil possible pa rin silang makakuha ng mga sakit na dala ng mga lamok, dipende sa lakas ng kanilang resistensya.

Kaya naman pinakamabisang paraan parin kontra lamok ayon sa DOH, ugaliin ang Search and Destroy, o yung paghahanap at pagsira sa mga pinamamahayan ng mga lamok.

Facebook Comments