
Nahuli ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang high-value fugitive na may 16 na warrants sa isinagawang operasyon kaninang umaga sa East Fairview, Quezon City.
Ang nasabing suspek ay 40 taong gulang at kinilala sa iba’t ibang mga alyas na “ Yag-ao” , “Lucky” , “Laki”, “Mon” at “Red”.
Siya ay nahaharap sa 16 na warrant of arrest na inisyu ng regional trial court (RTC) sa Kalinga, na kinabibilangan ng destructive arson, murder, 3 counts ng frustrated murder, at 11 counts ng attempted murder.
Ang nasabing suspek ay dinala sa ospital para sa physical check-up bago i-turn-over sa Criminal Investigation and Detection Unit- Quezon City Police District (CIDU-QCPD) para sa dokumentasyon at legal na pagpoproseso.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., matagal nang hinahanap ang nasabing suspek at ngayon ay napapanagot na ito sa batas kung saan walang ligtas na lugar para sa mga taong may kaso sa korte.










