Inaprubahan ng House Committee on Energy ang mosyon na humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng “special session” para mabigyang solusyon na ng Kongreso ang napakataas na presyo ng langis at mga produktong petrolyo.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy kaugnay sa pag-amyenda sa Oil Deregulation Law, iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na bagama’t maagap ang komite sa pagkilos para aprubahan ang panukala, mababalewala lamang ito kung hindi magdaraos ng special session ang Kongreso.
Aniya, kung magpapatawag ng special session ang pangulo ay agad itong matatalakay sa plenaryo kasama ang iba pang panukala na layong maibsan ang epekto sa mga kababayan ng sunod-sunod na oil price hike.
Mas mainam din aniya kung ang mga panukala ay masesertipikahan bilang “urgent”.
Nagmosyon si Zarate sa komite na nananawagang opisyal nang magpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session upang matalakay at maaaprubahan sa lalong madaling panahon ang mga panukala sa amyenda sa Oil Deregulation Law, pagsuspinde at pagbabawas sa excise taxes ng ilang produktong petrolyo at iba pa.
In-adopt naman ng buong komite ang mosyon at umaasang magpapatawag na agad ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte.