Pinaaalis ng dalawang kongresista ang mother tongue-based teaching sa Grade 1 hanggang 3 na ipinatutupad ng Department of Education (DepEd).
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni Baguio City Representative Mark Go na i-abolish na ang mother tongue-based teaching lalo na sa mga lugar na maraming mga dayalekto.
Paliwanag ni Go, maraming itinuturo sa mga bata ngunit tila hindi naman nakatutulong upang mai-angat ang performance ng bansa sa reading, math at science.
Base aniya sa nakalipas na resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD), lumalabas na kabilang ang mga mag-aaral na Filipino sa 79 na bansa na pinakamababa ang reading comprehension at ikalawa sa pinakamababa pagdating sa mathematical at scientific literacy.
Sinegundahan naman ito ni Deputy Speaker Evelina Escudero at iminungkahi sa DepEd na bumalik na lamang ang Pilipinas sa paraan ng pagtuturo na gamit ay wikang Filipino o Ingles.