Motibo sa Pagpatay ng Mister sa Asawang OFW, Tukoy na!

647

Cauayan City, Isabela- Tukoy na ng pulisya ang motibo ng isang mister sa pagpatay mismo sa kanyang asawa sa Sitio Caddag, Brgy. Dipusu, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Maj Fedimer Quetives, hepe ng PNP San Mariano, ang pakikipaghiwalay umano ng biktima na si Mylene Baingan, 30 anyos, OFW sa Oman, residente ng Brgy. San Francisco, Benito Soliven, Isabela sa kanyang mister na si Melchor Baingan ang nakikitang dahilan sa nangyaring krimen.


Ayon kay P/Maj Quetives, gusto umanong makipaghiwalay ng biktima sa kanyang asawa dahil winaldas umano ng kanyang mister ang mga ipinadalang pera kaya’t hindi na rin ito dumeretso sa kanilang tahanan sa bayan ng Benito Soliven nang ito ay umuwi mula sa bansang Oman.

Sinundan naman ng suspek ang biktima na tumuloy sa bahay ng kanyang mga magulang sa Brgy. Dipusu ng San Mariano upang makipag-usap rito subalit humantong sa pananaksak ang kanilang pag-uusap.

Nabatid na may saksak sa batok ang biktima na nakikitang dahilan ng agarang pagkamatay nito.

Magugunita na noong hating gabi ng Nobyembre 13, 2019 ay nadiskubre ng ama ng biktima ang duguan at nakahandusay na katawan nito sa loob ng kanilang kwarto.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong Parracide na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments

From Advertisers