Motibo sa pamamaslang sa broadcaster na si Bunduquin, hindi pa tukoy ng PNP

Hindi pa masabi sa ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang tunay na motibo sa pamamaslang sa mamamahayag na si Cresenciano “Cris” Aldovino Bunduquin.

Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., masyado pang maaga para sabihing work-related ang motibo sa krimen.

Pero giit ni Acorda, lahat ng anggulo ay kanilang titignan upang matukoy ang tunay na dahilan sa pagpatay sa broadcaster.


Una nang bumuo ang PNP ng isang special investigation task group na siyang tututok sa imbestigasyon hinggil sa nangyaring pananambang kay Bunduquin.

Ani Acorda, inatasan na niya ang Police Regional Office 4-B at Calapan City Police Station na madaliin ang imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod ng krimen.

Tiniyak din nitong maigagawad ang hustisya sa pagkamatay ng bitkima.

Base sa inisyal na imbestigasyon, inabangan umano ng mga suspek na lulan ng motorsiklo ang biktima sa pagbubukas nito ng tindahan at saka walang habas na pinagbabaril.

Facebook Comments