Manila, Philippines – Ibinasura ng QC Regional Trial Court ang Motion to Dismiss na isinampa ng Panda Coach Tours, Harana Buses at Bestlink College of the Philippines hinggil sa nakasampang damage suit sa korte ng lima sa 40 mag-aaral ng naturang paaralan na nakasalba at nasugatan sa malagim na trahedya ng pagbangga ng bus sa Tanay, Rizal noong February 2017.
Base sa desisyon na ipinalabas ni QC RTC branch 105 Judge Rosa Samson, hindi pinagbigyan ng korte ang Motion to Dismiss na naisampa ng mga respondent sa kaso dahil may basehan ang demanda sa kanila para managot sa kaso kaugnay sa nangyaring trahedya .
Nakasaad din sa desisyon na hindi na kailangang magbayad ng docket fee bilang pauper litigants ang complainant na kapamilya ng mga nasawing mga mag-aaral sa pangunguna ni Jerwin Abulag dahil pinapayagan naman ito ng batas sa ilalim ng Rules of Court.
Hindi agad naisampa ng mga mag-aaral ang kaso sa korte dahil sa kawalan ng pambayad ng docket fee pero natulungan ang mga ito ng Lawyers and Commuters for Safety Protection na maging libre sa korte.
Sa damage suit ng mga mag-aaral, hinihingi ng mga ito sa korte na bayaran ng tatlong respondent ng tig-P2 milyon bilang danyos ang limang nasugtan sa naganap na trahedya.
Matatandaan na 15 ang nasawi sa trahedya, isa rito ay ang mismong driver ng bus at 14 ang mag-aaral at 40 ang malubhang nasugatan.
Lima lamang ang hindi pumayag sa out of court settlement kayat sila ay nagsampa ng damage suit sa QC court.
DZXL558