Motor Rider na naglaslas ng gulong ng isa pang sasakyan sa viral road rage, tinutugis ng QCPD; LTO, naglabas na rin ng show cause order

Tinutugis na ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang motorcycle rider na naglaslas ng gulong ng isa pang sasakyan sa viral road rage incident noong Miyerkules sa lungsod.

Ang ‘road rage’ ay nairekord ng isang netizen na nangyari sa East Ave., Quezon City.

Nakita sa video ang rider ng motorsiklo na may plakang 851QBN na nakikipagtalo sa driver ng isang L-300 van dahil sa gitgitan sa trapiko.


Sa gitna ng pagtatalo, kumuha ang rider ng isang matalim na bagay at galit na nilaslas ang kanang gulong sa harap ng van at pagkatapos ay saka pinaharurot ang kaniyang sasakyan.

Sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Redrico Maranan na kanila nang iimbestigahan ang nangyaring insidente.

Kaugnay nito, naglabas na ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa nasabing rider.

Sa SCO na nilagdaan ni Renante Melitante, pinuno ng LTO-Intelligence and Investigation Division, nakilala ang rider sa pamamagitan ng plaka ng Yamaha Sniper, 851QBN na nakita sa video.

Ang rider ng Malabon City ay inatasan na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa Lunes, Marso 25, upang magpaliwanag sa insidente.

Facebook Comments