Patuloy na isusulong ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng Motor Vehicle Inspection System (MVIS) program.
Layunin ng programang matiyak na “roadworthy” ang mga sasakyang bumibiyahe sa kalsada at maiwasan na ang mga aksidente sa bansa.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Edgar Galvante, ang MVIS program ay matagal nang naantala at higit 12 taon na itong itinutulak.
Mahalagang magkaroon ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs) sa bansa para matiyak na ang lahat ng pribadong sasakyang bumibiyahe ay ligtas.
Magkaiba ang PMVIC sa Private Emission Testing Centers (PETC). Ang PMVIC ay iniinspeksyon ang lahat ng mahahalagang piyesa at bahagi ng sasakyan habang ang PETC ay sinusubukan ang ibinubugang usok ng sasakyan.
Ang PETC ay mahalaga ring programa dahil alinsunod ito sa Clean Air Act na layong resolbahin ang problema sa polusyon.
Sa datos ng World Health Organization (WHO), nasa 12,000 katao sa Pilipinas ang namamatay dahil sa aksidente sa kalsada – mayorya ng mga dahilan ay hindi maayos na maintenance ng mga sasakyan.
Nasa 138 PMVIC ang target na buksan sa buong bansa.